Daghang salamat po sa inyong mainit na pagtanggap sa buong puwersa ng sektor ng pabahay dito sa Western Visayas Region.
Inilunsad po namin itong programang pabahay caravan sa Cebu noong Pebrero nitong taong ito at dito sa Region VI nagtatapos ang unang yugto nito.
Ang pabahay caravan ay isang mahigpit at puspusang pagtutulungan ng mga ahensyang pabahay ng gobyerno at mga local government units (LGUs) upang ilapit sa mga rehiyon, probinsiya, at sa ating mga kababayan ang kaganapan ng bisyon ng pabahay para sa lahat ng mamamayan, laluna ang mahihirap.
Ngayon at bukas, amin pong ibabahagi sa inyo ang mga programa at serbisyo ng key shelter agencies na maaaring ibigay sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng kanilang mga proyektong pabahay.
Sa amin pong pagsasaliksik, masasabi namin na walang masyadong balakid dito sa Region VI sa pagpapatupad ng mga programang pabahay, maliban lamang sa kakailanganing land conversion sa mga lupaing hindi na naaayon sa agrikulturang pag-gamit.
Sa mahigit dalawang milyong ektarya ng lupain dito sa Region VI, nasa humigit-kumulang isang milyon at tatlong daang libo (1,300,000) ang agricultural land. Ang ibang bahagi ay itinuturing na forest land.
Kaugnay dito, ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ay pwedeng tumulong sa inyo upang mabuo o ma-update ang mga Comprehensive Land Use Plans o CLUP ninyo. Kasama sa clup ang paglaan ng mga lupain o lugar para sa mga proyektong pabahay.
Sa isang katulad ng Region VI, na nangunguna sa produksyon ng tubo at pumapangalawa sa produksyon ng bigas sa buong bansa, napakahalaga po ng CLUP. Bakit?
Bukod sa mapapangalagaan nito ang inyong mga pangunahing industriya, magbibigay din ito ng malinaw na gabay sa pag-gamit ng mga lupaing nasasakupan ng rehiyon, kung ito man ay para sa komersiyo, industriya, agrikultura o iba pa.
Nakapagpapasigla sa amin ang makita na dito sa Region VI, aktibo ang mga LGUs sa pag-update ng kani-kanilang mga CLUP. Sa isang daan at tatlumpu’t tatlong (133) LGUs na bumubuo sa Western Visayas, dalawa (2) lamang ang wala pang clup at ang isangdaan at dalawa (102) namang mga LGUs ay kasalukuyang nasa proseso ng CLUP updating.
As Western Visayas calls for more private sector involvement in the projects lined up for the region, having an updated CLUP would give investors a clear idea where to put their resources.
Noong taong 2009, ang Region VI ang may pinakamabilis na pag-angat ng ekonomiya sa buong kabisayaan at pumapangatlo naman sa buong bansa.
Sa patuloy na pag-angat ng inyong ekonomiya, hindi nakapagtataka na ang regional development investment program ninyo ay naglalaman ng tinatayang dalawang daan at dalawampung bilyong piso (220 billion pesos) para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay at iba pa.
Sa gitna ng mga nakaabang na proyektong ito, totoong mas maigi kung maisasabay na nating mabigyang solusyon ang mahigit dalawang daan at dalawampung libong (220,000) kakulangan sa pabahay dito sa Western Visayas.
At wala akong duda na magagawa natin ito sa ating mahigpit na pagtutulungan. Ang totoo, kasintamis po ng tubo dito sa Region VI ay ang aming ibabahaging mga programa sa pabahay na maaaring pakinabangan ng mga LGUs ng Western Visayas.
Una ang group housing program ng Pag-IBIG fund. Sa programang ito, ang mga LGUs ay maaaring humiram ng pondo upang magpatayo ng mga residential projects para sa mga miyembro ng Pag-IBIG fund sa inyong lugar. Kabilang na ang mga kawani mismo ng LGUs.
Magugulat po kayo sa bilis sa pagsagap ng balita ng mga LGUs dito. Kahit ngayon pa lang dumating ang Caravan sa Region VI, ilang LGUs na ang nakapag-ugnayan sa Pag-IBIG. Kaya naman gaya ng nakita ninyo kanina, nagpirmahan na ng memorandum of understanding ang ilan sa kanila.
Hindi lang po iyan. Kanina ay nag-inaugurate na kami ng proyekto sa Santa Barbara sa ilalim ng group housing loan program ng Pag-IBIG fund.
Kaya yaong ibang lokal na pamahalaan diyan, paki-bilis-bilisan at huwag kayong magpapahuli. Kailangan lang mayroon kayong lupa upang makinabang sa programang ito. Hanggang dalawampung milyong piso (20 million pesos) bawat phase ng subdivision ang pwedeng ipahiram ng Pag-IBIG sa inyo at hanggang apatnapung milyong piso (40 million pesos) naman ang maaaring ipahiram para sa bawat medium-rise condominium project.
Maglalaan din ang Pag-IBIG ng pondo na ipahihiram sa bawat miyembro na gustong bumili ng bahay na inyong ipinatayo. Sa nakalipas na pitong taon, maraming Pag-IBIG members na dito sa Region VI ang nabiyayaan ng housing loan na may katumbas na mahigit labing apat na libong (14,000) housing units.
Para naman sa mga wala pang lupa, ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang maaari ninyong makatulong sa pabahay ng mga informal settlers. Ang programang ito ay tinatawag na Localized Community Mortgage Program o LCMP.
Sa ilalim ng programang ito, tinutulungan ng SHFC na madagdagan ang pondo ng LGUs sa pagpapatupad ng kanilang proyektong pabahay. Maaaring umabot sa pitumpu’t limang (75%) porsyento ng kabuuang halaga ng isang proyekto ang maipapa-utang ng SHFC sa LGU.
Sa ilalim naman ng regular cmp, mayroon nang mahigit labin-dalawang libo at apat na raang (12,400) pamilya ang nabiyayaan ng pabahay dito sa western visayas at may katumbas itong mahigit-kumulang limang daang milyong piso (500 million pesos).
Sa kasalukuyan, nasa proseso ng SHFC ang CMP projects na nagkakahalaga ng isang daan at sampung milyong piso (110 million pesos). Makapagbibigay ito ng seguridad sa paninirahan ng may halos dalawang libong (2,000) pamilya dito sa Western Visayas.
Isa pa ring programang pabahay para sa mga informal settlers ay ang Resettlement Assistance Program ng National Housing Authority (NHA) na nagbibigay ng relokasyon sa mga informal settlers na nakatira sa tinatawag na danger areas gaya ng creek at iba pang waterways o kaya naman ay maaapektuhan ng proyekto ng gobyerno.
Ang nha po ang siyang nagsasagawa ng site development kasama na ang pagpapatayo ng mga bahay, at ang LGU naman ang nagbibigay ng lupa sa programang ito.
Sa kasalukuyang taon, mayroon nang mahigit apat na libo at limang daang (4,500) housing units ang nagawa sa mga proyekto ng NHA sa ilalim ng Resettlement Assistance Program, slum upgrading at iba pang housing assistance.
Dito sa Iloilo, mayroon pang karagdagang pondo ngayong taong ito para sa pag-develop ng resettlement project na laan sa mga informal settler families na maaapektuhan sa pagsasaayos ng Iloilo River. Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng dalawang daan at apatnapu’t apat na milyong piso (P244 million) at makikinabang ang isang libong (1,000) informal settler families.
Nagagalak din akong ibalita sa inyo na ang Phase 2 ng Housing Program para sa mga sundalo at kapulisan ay ipapatupad na sa isang taon dito sa Visayas At Mindanao. Inumpisahan na itong pag-usapan at pag-aralan ng NHA at ng mga housing boards ng AFP at PNP.
Ang AFP/PNP Housing Program ay nabuo sa pangunguna mismo ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang Phase 1 ng programang ito, na naglalayong makagawa ng dalawampu’t isang libo at walong daang (21,800) housing units, ay kasalukuyang ipinapatupad sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal at pinondohan ng apat na bilyong piso (4 billion pesos).
Sa administrasyon po ni pangulong aquino, mas pinalawak pa natin ang housing program na ito at isasama na rin natin ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Inilunsad na rin natin ang Indigenous Peoples’ Housing Program na pakikinabangan ng mga katutubong pilipino. Kasama sila sa mga naghihirap nating kababayan, ngunit ni minsan hindi sila nakasama sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan. Kaya ito na ngayon ang pagkakataong magkaroon sila ng housing program sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.
Hindi rin po lingid sa aking kaalaman ang kasalukuyang mga isyu tungkol sa pagpapatupad ng siyam (9) sa sampung (10) Presidential Proclamations dito sa Western Visayas. Kagaya ng presidential proclamation number 1861 na nagtuturing ng mga lupang saklaw ng proklamasyon na timberland pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Alam po ninyo, nang binabasa ko ang listahan ng nakaka-antala sa pagpapatupad ng mga proklamasyong ito, iisa lang ang nakita kong dahilan: ang kakulangan sa koordinasyon ng mga implementing agencies.
Kaya inatasan ko ang HUDCC na tingnan muli ang mga isyung ito, makipag-ugnay sa mga nasabing ahensya, at magsumite ng rekomendasyon kung paano mabilis malalagpasan ang mga balakid na ito.
Sa aking karanasan bilang punong-bayan ng Makati, nakita ko na lahat ng proyekto ng gobyerno, kabilang na ang pabahay, ay maayos na maisasakatuparan samahan lang ng determinasyon at political will ng mga lokal na pamahalaan.
Ang mga mayors ang unang nakakaalam sa mga kailangan ng kani-kanilang mamamayan. Sa inyong mahigpit na pakikipagtulungan sa mga sangay ng pambansang pamahalaan, maibibigay natin sa ating mga kababayan ang pinapangarap na magandang buhay.
Nagsisimula ang kaganapan ng pangarap na ito sa pagkakaroon nila ng sariling bahay.
Maraming salamat po.