Mga kapwa ko kawani ng gobyerno, mga kapwa lingkod-bayan, mga kaibigan sa pabahay, at mga panauhin: magandang umaga sa inyo.
Maraming salamat sa mga taga-tacloban at taga-Region 8 sa inyong maiinit na pagtanggap sa amin—kasing init po ng kapeng kahihigop ko lamang. At kasing-tamis ng mga ngiting sumalubong sa amin. Karasa hit hiyom han mga Taclobanon!
I always look forward to visiting Region 8, especially tacloban. And I would like to take this opportunity to thank all of you who supported me and shared in my dream for a better life for our people. Sana po ay lagi ko kayong makasama sa pagbibigay ng magandang buhay para sa ating mga kababayan.
Isang bagay lang po and dahilan kung bakit kami ay lumalapit sa inyo. Ito ang maibahagi sa inyo ang isang programang nabuo sa pagtutulungan ng mga ahensyang pabahay ng gobyerno.
Ito po ay ang pabahay caravan na aming inilunsad noong pebrero sa Cebu.
Ang Region 8 ang ika-pitong rehiyon na na aming narating para ipaabot ang mensahe ng caravan na ito.
Hindi kaila sa inyo na ako ay nangggaling din sa pagiging isang punong bayan. Kaya naman hindi lamang malapit ang puso ko sa mga lokal na pamahalaan, nauunawaan ko rin ang mga mithiin, pangangailangan at pagsubok na hinaharap ninyo.
At isa sa mga mithiing ito ay ang pabahay para sa inyong mga kababayan.
Kaya ngayon po bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalan sa pabahay, ako ay kumakatok sa inyong mga puso upang pag-usapan kung paano natin mapagtutulungang maipatupad ang mga programang pabahay sa inyong mga nasasakupan.
Dalawang bagay po ang aming layunin sa pabahay caravan. Una, ang ipaalam sa inyo, mga pinuno ng lokal na pamahalaan, ang ibat-ibang programang pabahay ng ating pamahalaan.
At pangalawa, ang makipagtulungan sa inyo upang maayos na maisakatuparan ang mga proyektong pabahay para mismo sa inyong mga kababayan at sa inyong lugar.
Ayon sa mga kaalaman nakalap namin mismo sa inyong mga lokal na pamahalaan, ang Region 8 ay may tinatayang isangdaan at dalawampu’t dalawang libong (122,000) Informal Settler Families (ISFS) sa kasalukuyan.
This is more or less fifteen percent (15%) of the estimated eight hundred thousand (800,000) households in Region 8.
Gaano man kaliit o kalaki ang mga informal settlers sa inyong rehiyon, iisa lamang ang ibig sabihin nito—may mga mamamayan kayo na nangangailangan ng pabahay at dapat itong matugunan.
Paano namin kayo matulungan sa pagtugon sa pangangailangan na yan?
Ang ating mga ahensyang pabahay ay may kanya-kanyang programang ipinatutupad. Nabanggit na ang mga programang ito na angkop at eksklusibo lamang para sa mga Local Government Units o LGUs.
Una dito ang LGU pabahay loan program ng PAG-IBIG fund na kamakailan lamang ay inaprubahan ng PAG-IBIG board. Layunin ng programang ito na magpahiram ng pondo sa LGUs para sa pagpapatayo ng mga residential subdivisions para sa mga manggagawa at iba pang miyembro ng PAG-IBIG fund sa kanilang mga lugar. Kabilang na dito ang mga kawani mismo ng LGUs.
Hanggang dalawampung milyong piso (P20,000,000) bawat subdivision project at apatnapung milyong piso (40,000,000) naman para sa medium rise condominium ang pwedeng maipahiram ng PAG-IBIG sa inyo. At para madali ninyo itong mabayaran, maglalaan pa rin ang PAG-IBIG ng pondo na ipahihiram naman sa bawat miyembro nitong gustong bumili ng bahay na inyong ipinatayo.
Sa taong ito pa lamang, limampung bilyong piso (50 billion pesos) na ang inilaan ng PAG-IBIG para sa kanilang mga miyembro na gustong mag-housing loan.
Para sa mga PAG-IBIG members sa Region 8, humigit-kumulang anim na raang milyong piso (p600,000,000) ang nakalaang bahagi ng halagang nabanggit. Isangdaan pitumpu’t limang milyong piso (p175,000,000) pa lamang po ang nagagamit dito katumbas ng mahigit tatlong daang housing units.
Bukod dito, mayroon ding sampung proyekto ang PAG-IBIG na isinasagawa sa inyong rehiyon sa ilalim ng institutional loan program. Nagkakahalaga ito ng mahigit dalawangdaang milyong piso (P200,000,000).
Tungkol sa mga informal settlers sa inyong lugar, nariyan ang resettlement assistance program ng National Housing Authority upang sagutin ang problema sa relokasyon.
Sa programang ito, LGU ang nagbibigay ng lupa at ang NHA ang siyang nagsasagawa ng site development kasama na ang pagpapatayo ng mga bahay.
Sa katunayan, mayroong walong (8) housing projects ang NHA para sa Region 8 na kasama sa kanilang work program ngayong taong ito.
Para sa mga LGUs na ang kakulangan sa lupain ay sagabal sa kanilang programang pabahay, nariyan ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) na nagpapatupad ng Localized Community Mortgage Program o LCMP. Sa programang ito, tinutulungan ng ahensya na madagdagan ang pondo ng LGUs para sa pagpapatupad ng kanilang proyektong pabahay. Maaaring umabot sa pitumpu’t limang (75%) porsyento ng kabuuang halaga ng isang proyekto ang maipapa-utang ng SHFC sa LGU.
Bukod po sa aming localized CMP, mayroon din kaming regular CMP. At sa ilalim nito, mahigit dalawang libo’t isang daang (2,100) pamilya na sa Region 8 ang nabiyayaan sa labing-apat na proyekto.
Humigit-kumulang walong daang (800) pamilya pa ang magbebenepisyo kapag ma-aprubahan na ang kasalukuyang prinoprosesong cmp projects sa inyong rehiyon. Ito ay may katumbas na halagang tatlumpu’t apat na milyong piso (P34,000,000).
Bukod po sa mga programang nabanggit, gusto ko ring ipaalam sa inyo, lalung-lalo na sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, na sisimulan na natin ang phase two ng ating AFP/PNP housing program. Ito’y proyekto mismo ng ating Pangulong Noynoy Aquino. At ang phase two ay dito sa Visayas at Mindanao natin ipatutupad.
Sinimulan natin ang phase 1 sa Luzon nuong mayo at sa darating na biyernes, halos apat na libong kabahayan na ang igagawad ni Pangulong Noynoy sa mga tauhan ng AFP at PNP.
Isa pa pong magandang balita. Sisimulan na rin namin ang housing program para sa mga indigenous peoples at inaasahan namin na maraming kababayan nating katutubo ang makikinabang dito.
Sa kabila ng mga programang ito, naniniwala po ako na hindi lamang nakasalalay sa pondo ang tagumpay ng programang pabahay. Kailangan din natin ng sapat na kaalaman at paghahanda sa iba’t ibang hamon sa maayos na pagpapatupad ng mga proyektong ito.
Alam nating lahat ang nangyari noon sa St. Bernard, Southern Leyte. Gumuho ang isang bahagi ng bundok at ilang bahay ang natabunan ng lupa na ikinasawi ng maraming tao.
Ituring man na isang environmental disaster ang nangyari, may magagawa pa rin ang sektor ng pabahay upang maiwasan ang ganitong sakuna.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng mga LGUs, at sa pamamagitan ng pag-buo ninyo ng Comprehensive Land Use Plan o mas kilala sa tawag na CLUP.
Sa isangdaan at apatnapu’t tatlong (143) bayan ng Region 8, limampu’t dalawa (52) lamang ang updated ang CLUP.
Bakit kailangan natin ang CLUP?
Dahil ang wasto at pinag-isipang clup ay isang matalino at matibay na gabay sa tamang paggamit ng LGUs ng kanilang mga lupain. Sa CLUP, kayo mismo ang magsasabi kung saang mga lupain ang angkop na pagtayuan ng mga bahay at alin naman ang nararapat para sa agrikultura, industriya, komersiyo, at iba pang gamit sa lupa.
At sa pag-buo ninyo ng CLUP, nariyan po ang Housing and Land Use Regulatory Board upang tulungan kayo.
Sa huli, narito rin po ako at ang Housing and Urban Development Coordinating Council para tumulong sa pagbuo ninyo ng isa pang mahalagang gabay: ang local shelter plan. Ang local shelter plan ang inyong patnubay tungo sa pagtugon sa kailangang pabahay batay sa inyong mga pinagkukunan o resources.
Naniniwala po kami na ang mga LGUs ang nasa pinakamagandang katayuan upang ipatupad ang mga programang pabahay ng gobyerno. Dahil kayo mismo ang unang naka-aalam sa mga pangangailangan ng inyong mga mamamayan.
Sa pabahay caravan, kayo ang bida. Kami naman ay supporting cast o co-starring lamang. Pero sabay pa rin po ang ating aksiyon tungo sa tamang pabahay para sa bayan. Dahil sa sapat na pabahay, gaganda ang buhay.
Maraming salamat po.