Dinner Meeting with FilCom Leaders, Philippine Embassy, 5-1, Itaewon-2dong, Yongsan-Gu, Seoul, Korea (March 25, 2012)

            Noong ika-3 ng Agosto 2010, nagkaroon ako ng pagkakataong mabisita ang seoul at makibalita sa kalagayan n’yo dito sa Korea.  Mahusay at kasiya-siya ang aking naging karanasan.  Kaya wika ko, ito’y ating uulitin.

            Nagagalak ako at nakabalik ako ngayon, kasama ang aking maybahay, mga ilang lingkod  sa Office ng Vice President, DFA at  Philippine Nuclear Research Institute.

            Ako ay naririto upang katawanin ang ating mahal na pangulo  sa gaganaping Nuclear Security Summit mula bukas hanggang Martes.  Ang Nuclear Security Summit ay isang malaking pagpupulong sa larangan ng seguridad na naglalayong pagtibayin ang pagtutulungan ng mga bansa patungkol sa maingat na paghawak at pagkontrol ng nuclear at radioactive materials.

            Hindi kaila sa inyo ang isyu ito dahil sa isang parte ng korea, mayroon silang kakayanang nuclear, at malapit sa inyo ang China isa sa mga kilalang nuclear weapons states of the world.

            Dahil sa usaping ito, madalas na tanong ninyo at ng pamilya ninyo ay, “Magkakagulo ba sa Korea? Paano kung magkagulo dito?”

            Ang sagot ng inyong pamahalaan diyan, huwag kayong mag-alala: siguradong gagawin ng lahat ang lahat para maiwasan ang gulo.  At sakaling hindi maiwasan ang gulo, handa ang inyong pamahalaan, sa pamamagitan ng ating embahada, para sa tinatawag na “worst-case scenario.” May contingency plan ang embahada na inyong matatagpuan at mapag-aaralan sa kanilang website.

            Saan mang bansa at sa anumang sitwasyon, kailangang lagi tayong maging handa.  Dito sa Korea, bilang  kasapi ng inyong samahan, kayo ay katuwang ng embahada at ng ating bansa sa anumang kaganapan.

            Alam ko na marami sa inyo ang nagpadala ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong sendong.  Kamakailan lamang ay may lindol na naman sa Pilipinas.   Pero may sakuna man o wala, patuloy ang inyong pagpadala ng tulong. Malaki ang naitutulong  ng inyong remittance sa kabuoan ng ating ekonomiya, at marapat lamang na ito ay matumbasan ng mataas at de-kalidad na serbisyo mula sa inyong pamahalaan.  Ito’y aming pinagsisikapang magampanan.

            Lahat ng mga nagta-trabahong Pilipino, sa Pilipinas man o sa ibayong dagat, ay dapat magkaroon ng pantay na pagkakataon na makinabang sa lahat ng benepisyo at programa ng pamahalaan – katulad ng sa Pag-IBIG.

            Ginawang mandatory ang membership ng ofws sa Pag-IBIG upang mabigyan kayo ng pagkakataong makapag-impok at maabot ang inyong pangarap na magkaroon ng sariling bahay.

            Ako ay nagagalak sapagkat makalipas lamang ang tatlong buwan ng pagbisita ko noong 2010 ay nagkaroon ng isang malaking forum ang Pag-IBIG sa pangunguna ni SVP Alex Aguilar, sa tulong embahada at ng POLO-Korea.

            Noong ika-28 ng Mayo 2011 at wala pang isang taon ay natupad ang inyong kahilingan na magkaroon ng Pag-IBIG Service Desk.  Nasundan pa ito ng isang Housing Fair na nilahukan ng higit sa sampung developers mula sa Pilipinas na ginanap bilang bahagi ng pagdiriwang ng 16th Migrant Workers Day.  Ayon kay CEO Darlene Berberabe, mainit ang naging pagtanggap n’yo sa Pag-IBIG.

            Ang Pag-IBIG ay may membership base na mahigit sa 10.2 million sa pagtatapos ng 2011.  Sa bilang na ito, 1.5 million ay ofws at animnapung porsyento (60%) ng bilang na ito ay nai-rehistro bilang miyembro ng Pag-IBIG simula ng ako ay manungkulan bilang chairman ng Pag-IBIG.

            At bilang pasasalamat sa inyong pagtatangkilik, minabuti naming dagdagan pa ang mga serbisyo inaalok ng Pag-IBIG, partikular na sa housing loans.

            Simula sa Hulyo, ang mga bagong miyembro ay maari nang makakuha agad ng housing loan at hindi na kailangan pang mag-antay na matupad ang required na membership residency. Ito ay sa pamamagitan ng pagbabayad ng buo ng kinakailangang buwanang kontribusyon.

            Hindi lamang po iyan, nilakihan na rin po natin ang maximum loanable amount hanggang anim na milyong piso mula sa kasalukuyang tatlong milyong pisong ceiling.

            Binabaan din po natin ang interest sa low-cost at socialized housing loans sa Pag-IBIG: ang mga pautang na apat na raang libong piso (P400,000)  pababa ay magkakaroon na lamang ng interest na 4.5 per cent bawat taon. Ang interest naman ng mga pautang namula apat na raang libong piso (P400,000) hanggang pitong daan at limampung libong piso (p750,000) ay magiging 6 per cent na lamang.

            Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, inaasahan natin na lalo pa nating mabibigyan ng higit na malaking pagkakataon ang ating mga kababayan na makamit ang pangarap nila na magkaroon ng sariling tahanan.

            Dagdag pa rito, masidhi pa rin ang layunin ng ating kasalukuyang pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Benigno S. Aquino III na ang paghahanap-buhay sa ibang bansa ay maging career option na lamang.

            Ang reintegration program ng pamahalaan ay isang paghahanda upang magkaroon ng katatagan sa pinansiyal na katayuan sa pamamagitan ng mga pagsasanay, pagpupundar  ng negosyo at pag-iimpok.

            Binabati ko ang embahada sa patuloy na pagsusumikap upang maihanda ang ating mga kababayan sa kanilang pagbabalik sa ating bansa.  Isang karangalan na maiabot ko ang mga certificate ng bagong-graduate ng financial education campaign ng embahada.

            Sinimulan noong 2008, ang financial education campaign ay nakarating na sa humigit-kumulang na isang libong tao. Sa Facebook at YouTube, mahigit pitong libo na ang nakakapanood ng video. Nasa dalawang daan naman ang naging graduate na ng mga maiikling kurso sa entrepreneurship, marketing and advertising, at financial statements, at ngayon ay pararangalan natin ang tatlumpu pang bagong graduate mula sa Gasan.

            Ang kalimitan nating nababalitaan ay ang mga hindi magagandang karanasan ng ating mga kababayan sa ibang bansa.  Ang bawat bansa ay may mga batas at regulasyon na dapat sundin. Hinihiling ko sa inyo na ipakita natin ang galing ng pinoy sa panahong tayo’y naririto. Pag-aralan ang  kanilang teknolohiya,  disiplina at ang pagiging makabayan upang  madala sa Pilipinas.

            Maraming salamat muli sa inyong mainit na pagtanggap.  Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang Pilipinas!​