Magandang umaga po sa inyong lahat.
Isang karangalan at kasiyahan po ang makabalik dito sa inyo sa pasig na may dalang munting magandang balita. Narito po ako upang muling maghatid ng panghabang-panahong kasiguruhan sa lupa para sa inyo at sa mga kababayan natin sa iba pang lugar sa Metro Manila.
Sa araw na ito, ipapamahagi natin ang mga titulo sa mga benepisyaryo ng housing programs natin na Community Mortgage Program (CMP) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) at National Government Center Housing Project (NGCHP) ng National Housing Authority (NHA). Ipamimigay rin po natin ang mga tseke sa landowner at mga CMP mobilizers.
At ngayong araw ay higit pang makabuluhan dahil atin pong ipinagdiriwang ang ika-dalawampung anibersaryo ng pagsasabatas ng Urban Development and Housing Act of 1992, na mas kilala sa tawag na UDHA.
Tanging isa lamang ang kinalaman ng UDHA sa inyo. Ito po ang batas na nagsusulong sa seguridad sa pabahay ng mga kababayan nating mahihirap.
Kung noon ang tawag ay iskwater, sa batas na ito ay landowner na sila. Di ba po masarap sabihin at pakinggan? Dahil lamang iyan, siyempre, sa mga programa sa ilalim ng UDHA.
Hindi lamang pagkakataon kundi karapatan ng mga urban poor na magkaroon ng sariling lupa at bahay ang ibinigay ng batas na ito.
Pero alam po ba ninyong madaming kumontra sa batas na ito? Sabi ng iba, kinukunsinti daw nito ang mga informal settler families na patuloy na mag-okupa sa mga lupang hindi nila pag-aari, samantalang ang mga tunay na may-ari ay naaagrabyado.
Pero sino po ba ang gustong gawin ito? Sino ba ang gustong manirahan sa mga gilid ng creek at ilog, o sa ibabaw ng estero? Sino ba ang ibig tumira sa lupang hindi kanila upang araw-araw na mangamba na ma-demolish o mapalayas?
Ang hindi naiintindihan ng mga kritiko noon ng UDHA ay ang simpleng layunin ng batas na ito—ang makapagbigay ng seguridad sa lupa at tahanan at dignidad sa mga kababayan nating kapos sa yaman.
Pagkatapos ng maraming taon, at sa unti-unti nating paggawa ng mga maliliit na bagay, marami na po tayong nakamit na tagumpay ngayon dahil sa pagpapatupad ng UDHA.
Napag-isa natin ang lahat ng sektor na may kinalaman sa pabahay. nabigyang daan ang maraming sektor na magkaisa at magtulungan sa pabahay para sa informal sector: ang pamahalaang nasyonal at lokal, ang pribadong sektor, ang mga non-government at peoples’ organizations.
Napakinabangan din ng mga tao ang mga lupang pag-aari ng gobyerno na nakatiwangwang lamang. Sa pamamagitan ng presidential proclamations, ang mga lupang ito ay ipinamahagi para sa pabahay ng mga pamilyang dito na nakatira ng ilang dekada. Mula noong taong 2000, halos dalawampu’t pitong libong (27,000) ektarya ng lupa ng pamahalaan ang naideklara bilang socialized housing sites na nagbigay ng kasiguruhan sa lupa sa halos dalawang daan at pitong libong (207,000) pamilya.
Kinilala din sa UDHA ang karapatan sa relokasyon ng mga informal settlers. Ang karapatang ito ay nananaig kung sila ay nakatira, halimbawa, sa danger areas, o gagamitin ng pamahalaan para sa imprastruktura ang lupang kinatatayuan nila, o kung sila ay na-evict dahil sa kautusan ng korte.
Sa UDHA, nadagdagan din ang pabahay para sa mga mahihirap sa ilalim ng 20 percent balanced housing. Bawat housing subdivision project ng developer ay kailangang maglaan ng may katumbas na dalawampung porsyento (20%) sa kabuuang halaga o area ng nasabing proyekto ukol sa socialized housing.
Sa talaan ng Housing And Land Use Regulatory Board (HLURB) na siyang tagapagpatupad ng 20 percent balanced housing requirement, mayroon nang halos dalawang daan at limampung libong (250,000) socialized housing units ang naipatayo simula noong 1992 hanggang sa kasalukuyan.
Dagdag pa rito ang mahigit-kumulang isang daang libong (100,000) murang pabahay na naipagawa naman sa pamamagitan ng alternatibong mga paraan sa pagsunod sa 20% balanced housing requirement, katulad ng joint venture projects ng developers at mga local governments.
Ang Community Mortgage Program ay isa rin sa mga alternatibong pamamaraan sa pagsunod sa 20 percent balanced housing requirement. Karamihan sa inyo ay kabilang sa mga CMP projects kaya’t alam ninyo ang programang ito.
Nang magsimula ang UDHA noong 1992 hanggang sa kasalukuyan, halos dalawang libong (2,000) community mortgage program o cmp projects ang naipatupad. Nagkakahalaga ito ng halos siyam na bilyon at tatlong daang milyong piso (P9.3 billion), at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang mga ahensiyang nagpatupad nito.
Mahigit dalawang daan at labing-limang libong (215,000) mga kababayan natin na walang sariling tahanan noon ay masaya nang nakatira sa kani-kanilang tunay na sariling bahay ngayon.
Samantala, kinikilala rin ng UDHA ang tulong ng mga developer na nakisangkot sa socialized housing. Sila ay binibigyan ng insentibo ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga exemption sa pagbabayad ng buwis.
Ang UDHA rin ang batayan ng ating patuloy na paglaban sa mga sindikatong nagsasamantala sa kahinaan ng mga informal settlers. Sa ilalim ng UDHA, pinarurusahan ang mga professional squatters at mga squatting syndicates.
Kaya minamadali naming tapusin na ang “alpha listing for beneficaries.” Aayusin at lilinisin nito ang listahan ng mga benepisyaryo ng socialized housing upang mas madaling matukoy ang mga sindikato at propesyonal na iskwater na nagsasamantala sa mga lehitimong benepisyaryo.
Subalit marami pa tayong dapat gawin. kailangang lubos na maipatupad pa ang mga nakasaad sa UDHA. at magagawa lamang natin ito sa tulong ninyo at ng ating mga local government units (LGUs). ang LGUs ang inatasan sa UDHA na maging tagapagtupad ng mga programang pabahay para sa kanilang nasasakupan. Isa lang po ang sinisiguro ko sa inyo: kami po sa mga ahensyang pabahay ay laging handang umalalay sa inyo.
Inilunsad namin noong nakaraang taon ang pabahay caravan na nagpapakilala ng ibat-ibang programang pabahay ng ating gobyerno. Mula ito sa pagbuo ng comprehensive land use plan hanggang programang resettlement, at tulong-pinansiyal sa pagkakaroon ng ating mga kababayan ng sariling bahay.
Nariyan din ang National Resettlement Policy Framework (NRPF) na magpapatupad sa mga bagong komunidad ng labin-tatlong (13) basic services kasama na ang paaralan at serbisyong medikal. Layon din nito ang pagkakaroon ng iisang sistema at alituntunin sa pagpapatupad ng mga resettlement projects.
Kasama rin sa kasalukuyang mga pinag-aaralang programa ng HUDCC ang National Slum Upgrading Strategy (NSUS) na may pakay na ayusin ang mga nakatayo nang mga komunidad.
At para mas ganahan tumulong sa atin ang pribadong sektor at non-government organizations, nakikipag-ugnay ang HUDCC ngayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Board of Investments (BOI) para maisama sa mabibigyan ng tax incentives sa ilalim ng Investment Priorities Plan (IPP), ang mga developers na nagsasagawa ng proyektong pabahay para sa mga Indigenous Peoples (IPs), mga senior citizens at may kapansanan, at mga naapektuhan ng mga kalamidad.
Pinag-aralan din ang muling pag-buo ng one-stop-shop upang mapabilis ang pagpro-proseso ng mga kinakailangang housing permits para sa isang proyektong pabahay.
Maganda po ang hangarin ng UDHA. Napatunayan na natin ito sa ating mga tagumpay. Mas lalo natin itong mabibigyang-buhay kung tayo ay patuloy at mahigpit na magtutulungan.
Makakaasa po kayo na ang HUDCC, kasama ang mga ahensyang pabahay ng gobyerno, ay patuloy na gagawa ng daan tungo sa pagbibigay ng disente at abot-kayang pabahay. Dahil akin, at aming, layunin na pagdating ng araw, wala nang matatawag na squatter sa ating bayan.
Maraming salamat po.