I Do. I Do. Araw ng Pag-IBIG, Makati Coliseum, Mascardo St., La Paz, Makati City ,14 February 2013, 10 a.m.

            Ngayon nga ay ating ipinagdiriwang ang araw ng mga puso, ang araw ng inyong pag-iibigan at siyempre ang araw ng Pag-IBIG.

            Sa inyong pagpunta dito ngayon sa kasalang bayan ng Pag-IBIG Fund, ipinakita ninyo ang inyong katapangang pagtibayin ang inyong pagmamahalan sa bisa ng kasal.

            Alam naman siguro ninyo ang inyong pinasok.

            I have been married to my wife Dr. Elenita Binay for 40 years. And although we shared many wonderful years together, masasabi ko sa inyo na hindi biro ang pag-aasawa.

            Ang pag-aasawa ay nangangailangan ng tapang ng loob at tibay ng dibdib. Higit sa lahat, ang pag-aasawa ay nangangailangan ng tapat na pagmamahal at tiwala sa isa’t isa. Kayo ay sumumpa sa harap ng Diyos at ng tao na kayo ay magsasama habambuhay at magkasama ninyong haharapin ang bukas.

            Alam ko po na hindi madali ang pagsisimula ng buhay mag-asawa ngunit nais ko pong ipaalam sa inyo na ang Pag-IBIG Fund ay naririto bilang inyong sandigan sa lahat ng inyong mga pangangailangan.

            Nais ko pong ipaalala sa inyo na ang pondo ng Pag-IBIG fund ay pondo ninyong lahat. Dahil dito, hinihikayat namin kayong sulitin ang inyong membership sa Pag-IBIG. Bilang mga miyembro ng Pag-IBIG, marami po kayong benepisyo na maari ninyong matanggap kasama na ang pag-iimpok, pamumuhunan, at pabahay.

            Alam ba ninyong malayo ang mararating ng inyong buwanang hulog ng inyong kontribusyon bilang miyembro ng Pag-IBIG?

            Nadadagdagan ito ng dibidendo sa katapusan ng bawat taon. Hindi ninyo namamalayan, ang isandaang pisong nakakaltas sa inyong buwanang kita ay lolobo at magiging libu-libong piso, daan-daang libong piso pa nga para sa iba, pagsapit ng panahong magma-mature na ang inyong membership.

            Totoo pong sapilitan ang kaltas para sa Pag-IBIG, pero sa kalaunan ay inyong madidiskubre na ito ay para rin sa inyong kinabukasan. Ang inyong isinusuksok buwan-buwan bilang membership contribution ay inyo rin pong madudukot pagdating ng panahon ng pangangailangan.

            Sa pamamagitan ng short-term loan program ng Pag-IBIG Fund, puwede ninyong magamit na panimulang puhunan ang inyong naipong buwanang kontribusyon. Puwede ninyo itong gamitin para sa pagpapaayos ng bahay, pambayad sa eskuwela, o para simulan ang inyong inaambisyong negosyo.

            Higit sa lahat, dahil kayo ay miyembro ng Pag-IBIG Fund, hindi na imposible ang magkaroon ng sariling bahay. Alam naming bawat bagong-kasal ay nangangarap magkaroon ng sariling bahay. Posible na ito sa pamamagitan ng housing loan program ng Pag-IBIG Fund. Nais ng Pag-IBIG na kayo at ang inyong pamilya ay magkaroon ng bahay na magbibigay proteksiyon sa init at lamig ng panahon. Nais rin namin kayong magkaroon ng tahanang magsisilbing saksi sa pagmamahalang uusbong mula sa inyo at lalago habang lumalaki ang inyong pamilya.

            Mga kaibigan, Uulit-ulitin ko. Ang pondo ng Pag-IBIG Fund ay pondo ninyo - ang aming mga miyembro. Kaya naman makakaasa kayo na ang Pag-IBIG Fund ay mananatiling isang tapat na sandigan tungo sa pagganda ng inyong mga buhay.

            Muli, binabati ko ang lahat ng kinasal ngayong ika-14 ng Pebrero.

            Happy Pag-IBIG day!

            Mabuhay kayong lahat!