Inauguration of Disiplina Village Phase 2, Brgy. Ugong, Valenzuela City, 12 February 2014, 9 a.m.

            Magandang araw po sa inyong lahat na taga-Valenzuela!

            Alam ko po na napaaga ang aking pagpunta dito dahil sa araw pa ng mga puso ang araw ng Lungsod ng Valenzuela. Ganunman, ako ay natutuwa dahil ang okasyong ito ay bahagi ng selebrasyon ng ika-labing anim na taon ng pagkakatatag ng Valenzuela bilang isang ‘first class city‘ noong 1998.

            Binabati ko po ang alkalde ng Valenzuela, Mayor Rex Gatchalian, at ang butihing Congressman Sherwin Gatchalian, at ang lahat-lahat ng mga taong sumusuporta sa kanilang matagumpay na pagtaguyod ng isang lungsod na may disiplina, maganda at maunlad.

            Naaalala ko pa na noong mayo 2012 nang una akong nagpunta rito sa Disiplina Village. Naimbitahan n’yo ako bilang panauhin sa inagurasyon ng Phase 1, na naitayo sa pagtutulungan ng local government, ng private sector at ng Gawad Kalinga. Iilang buildings pa lang ang nakatayo noon at kaunting pamilya pa lang ang nakatira dito.

            Sa araw na iyon, nilagdaan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa pamumuno ni dating Mayor Sherwin Gatchalian at General Manager Chito Cruz ng National Housing Authority ang kasunduan na magpatayo ng labimpitong (17) gusaling pabahay dito sa Barangay Ugong.

            Makalipas ang isang taon at siyam na buwan, narito na ang ating pinaghirapan. Walong gusali na ang naitayo para sa mga taga-Valenzuela sa pamamahala ng inyong local government. At mayroon pang siyam na gusaling itatayo dito sa barangay ugong sa ilalim ng nasabing memorandum of agreement.

            Kung dati bisita lang kami, ngayo’y pakiramdam namin taga-rito na rin kami dahil may kaunti kaming naitulong upang dumami pa ang mga pamilyang magkakaroon ng mga disente at ligtas na pabahay.

            At kung dati ay si Congressman Sherwin ang lumagda, ngayon naman si Mayor Rex Gatchalian ang namumuno sa ikalawang memorandum of agreement ng Valenzuela city at ng NHA. At ito ay para sa mga low-rise buildings naman sa barangay bignay na malilipatan ng mahigit sa tatlong libong pamilyang nakatira sa Tullahan River at iba pang waterways sa bayan ng Valenzuela.

            Bagamat nabanggit sa akin ni Mayor Sherwin ang patakararan ng Disiplina Village noong una akong magpunta dito, ang akala ko ay wala itong masyadong pinagkaiba sa mga housing projects na napuntahan ko na.

            Pero ngayon, lubos ko nang naiintidihan ang layunin ng proyektong ito. Sa pangalan pa lang na Disiplina Village, ito ay naglalarawan na sa mga taong nakatira dito. Ibig sabihin, may disiplina ang mga nakatira rito at sumusunod sa mga patakaran.

            Marahil ito lang ang proyektong pabahay sa buong Pilipinas na mayroong handbook para sa mga benepisyaryo at sa mga nagpapatupad nito. Ang handbook ay naglalaman ng mga tungkulin at responsibilidad ng mga benepisyaryo, ng block leader, homeowners association at ng Disiplina Village Council. Nilalaman din nito ang kasulatan ng paninirahan at certificate of award. Tunay na napaka-organisado ng proyektong ito.

            Tinanong ko din dati kung paano ang security of tenure. Ang sagot sa akin, taon-taon ang renewal ng kontrata ng mga benepisyaryo. Ibig sabihin talagang ipinapatupad ang mga nakasaad sa handbook para basehan sa patuloy na pagtira ng mga pamilya dito.

            Alam namin na malaki pa ang pangangailangan sa pabahay ng mga taga-Valenzuela. Kaya naman hindi lamang nha ang ahensiyang pabahay ng pamahalaan ang kasama sa programang ito. Katulong na rin natin ang Social Housing Finance Corporation sa pamamahala ni pangulong Ana Oliveros.

            Nasaksihan natin kanina ang pag turn-over ng letter of guaranty ng SHFC sa mga may-ari ng lupang pagtatayuan ng pabahay para sa mga miyembro ng Alyansa ng Mamamayan sa Valenzuela at Caloocan, o AMVACA. Ang kabayaran sa lupa ay unang bahagi pa lang ng high density housing program ng SHFC.

            Kapag naayos na ng inyong asosasyon ang mga dokumento para sa housing construction ay maaari na ninyong ipadala ito sa aming tanggapan para mapag-aralan at maaprubahan ng SHFC Board. Mahigit sa isang libo’t apat na raang miyembro ng AMVACA na nakatira dito sa lungsod ng Valenzuela, partikular na sa Tullahan River at sa ilalim ng transmission line ng National Power Corporation, ang makikinabang kapag natapos na ang proyektong ito.

            Malaki po ang aking paghanga sa magkapatid na Congressman Sherwin at Mayor Rex. Nuong sinalanta ng Bagyong Ondoy ang Valenzuela at ang buong Metro Manila, mahigpit nilang sinikap matulungan ang mga pamilyang nakatira sa Tullahan River na lubos na naapektuhan ng bagyo.

            Pinangunahan nila ang pagkuha ng suporta mula sa pribadong sektor at sa iba pang mga organisasyon. Pinangarap nilang magtayo ng isang maayos at disiplinadong komunidad at ito ay nakamit nila dito sa “Disiplina Village.”

            Dahil sa proyektong ito, maraming pamilya ang nabago ang buhay. Kasama na rito ang pamilya ni Joseph at Letty Toreon na dating nakatira sa gilid ng ilog ng Tullahan. Isa sila sa mga unang pamilya na nailipat sa Disiplina Village. Ngayong buwan ng Pebrero ay lalagda sila ng kasunduan para sa ikatlong taon ng pagtira dito.

            Ayon sa kanila, bagamat nagbabayad sila ng tatlong daang piso kada buwan dito sa Disiplina Village, walang katumbas ang kapayapaan na kanilang nararamdaman dahil sa hindi na sila nangangamba na mawalan ng bahay at buhay kapag panahon ng tag-ulan.

            Siyanga po pala, ang panganay na anak ng mag-asawang Joseph at Letty na noon ay nag-aaral sa kolehiyo sa kursong secondary education ay graduating na. Biruin nyo, Congressman Sherwin at Mayor Rex, malapit nang magkaroon ng produktong guro ang mga pamilya sa Disiplina Village. Palakpakan natin ang mag-anak nina Joseph at Letty, pasalamatan at palakpakan din po natin sina Mayor Rex at Congressman Sherwin Gatchalian at ang lahat ng tumulong na maisagawa ang Disiplina Village.

            Sa kabila ng ating pagsasaya, alam kong marami pa kayong haharaping hamon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga taga-Valenzuela, at lalo pang mapaunlad ang inyong lungsod.

            Sana’y ipagpatuloy ninyo ang sipag at pagmamalasakit upang mas marami pa kayong pamilyang matulungan. At sana patuloy kayong gabayan ng sampung batayan ng disiplina na inyong itinalaga sa Valenzuela: ang pagiging makabayan, makakalikasan, may positibong pananaw, mapagkakatiwalaan, maagap, malinis at maayos, malikhain, maka-diyos, matapat at may dangal, at higit sa lahat, matulungin.

            Mabuhay po kayong lahat!