Magandang umaga po sa inyong lahat na dumalo dito sa ating pagtitipon sa Quezon City. Alam ko pong isa itong masayang pagtitipon dahil muli na naman tayong nagkasama-sama para mapaganda ang kinabukasan ng ating mga kababayan.
Yun nga lang po, napakahirap na lubusang magsaya dahil alam naman natin na napakarami na naman nating mga kababayan ang nasalanta ng baha, nawalan ng mga kabahayan at hanggang ngayon ay nakatira pa sa mga evacuation centers. Ang aming mga housing sites sa Bulacan, Rizal at iba pang lugar ay matinding naapektuhan. At mismong dito sa NGC, may mga lugar ding binaha. Kaya sana po ay magtulong-tulong tayo upang maibsan ang epekto nito sa mga nabiktima.
Mula po nang ako ay naging Bise-Presidente at concurrent HUDCC chairman noong 2010, ito na po ang pangatlong pagbisita ko sa proyekto ng NGC-West. Marahil po ay tinatanong ninyo kung bakit ako madalas dumalaw dito?
Mayroon po akong tatlong dahilan. Ang una, ay dahil po nais ko kayong makasama sa pagdiriwang ng NGC Housing Project Westside sa ika-dalawampu’t limang (25) anibersaryo ng pagkakatatag nito. Kung inyo pong natatandaan, sa mismong araw na ito noong 1987 ay pinirmahan ng dating Pangulong Corazon C. Aquino ang Proclamation No. 137 na naglaan ng lupain para gamitin sa “socialized housing project” para sa mga taong naninirahan dito.
Ito ang nagbigay daan upang masimulan ang proseso ng pagbibigay o pag-hahandog ng mga titulo ng lupa dito sa NGC-West sa mga kwalipikadong benepisyaryo na makakasunod ng maayos sa lahat ng mga kasalukuyang patakaran at polisiya. Sa madaling salita ay yung mga hindi “pasaway”.
Kung tutuusin ay medyo matagal na ang proyektong ito. Kung bagong panganak kayo noon, ngayon ay dalawampu’t limang (25) taon na ang anak niyo. Kung dati ay batang bata pa kayo, ngayon ay malamang senior citizen na kayo pero hindi niyo pa rin nahahawakan ang titulo ninyo.
Kaya naman nagbigay ako ng direktiba sa kasalukuyang administrador ng proyekto ito, ang NHA, na tapusin na sa lalong madaling panahon ang proyektong ito upang pagkatapos naman ng mahabang paghihintay at pakikipaglaban ng mga leaders ninyo ay mapasakamay na ninyo ang titulo ng lupang naibigay sa inyo.
Ngunit nais ko pong ulitin na kinakailangan ninyong sumunod sa re-blocking at magbayad ng tugmang halaga ng inyong lupa bago ninyo makuha ang pinakamimithing titulo.
Dito po papasok ang pangalawang dahilan ko sa pagdalaw ulit dito. Bilang tugon ng NHA sa aking direktiba na tapusin ang proyektong ito sa lalong madaling panahon, ngayon po magaganap ang ika-walong pagkakataon na maghahandog kaming muli ng dalawang daan at limampung (250) titulo sa mga kwalipikadong benepisyaryo na nakatugon at nakasunod sa mga patakaran o polisiya lalo na ng re-blocking at nakatapos sa pagbabayad ng kanilang obligasyon.
Nais ko pong sabihin na mula po ng malipat ang proyekto sa NHA noong 2006 at mula noong unang batch ng awarding, ay nakapag-handog na kami ng mahigit anim na raan at pitumpung (670) titulo. At kung isasama pa natin yung inihandog ngayon na dalawang daan at limampung (250) titulo, ang bilang ay aabot na sa mahigit walong daan at pitumpung (870) titulo.
At nais ko pong ipaalam sa inyo na bago matapos ang taon, sisikapin po ng NHA na muling makapag-handog pa ng dalawang daang (200) titulo. Ipinapaalala namin sa inyo na sana, pagkatanggap ninyo ng mga titulo, ito ay inyong paka-ingatan sapagkat iyan ay mga orihinal na kopya ng pag-aari ng lupa. Ito ang katibayan na kayo na ang may-ari ng lupa na inyong tinitirhan at kayo ay hindi na matatawag na mga informal settlers sa sarili ninyong bayan.
Ipapamigay din natin ngayon ang isang daang (100) individual notice of award, na katibayan na opisyal na nai-handog sa inyo ang inyong mga lote gayun din ang isang daan (100) na “contract to sell” o “CTS”, na katibayan ng inyong pagkabili ng lupa na hulugan o installment.
Sa kabuuan, mula sa kabuuang dalawampung libo isang daan at anim na pu’t dalawang (20,162) “total generated lots”, halos labing tatlong libong (13,000) lupa dito ay aprubado na ng DENR kung saan mahigit walong libo isang daang (8,100) lote ay naipamahagi na sa inyo.
Ang ikatlong dahilan ng pagdalaw ko sa inyo ngayon ay upang pangunahan ang ‘ground breaking’ ng Phase 1 ng Medium Rise Building o MRB IV, dito mismo sa lugar na ito sa milestone farm compound.
Ang unang anim (6) na gusali, na may tatlong daan at anim na pung (360) units, ay itatayo para po sa mga residente dito sa lugar ninyo at para din sa mga pamilyang nasa mga lugar na lubhang mapanganib o ‘danger zones’. Ito po ay kasama sa sampung (10) bilyong pisong pondo na nauna ng inilaan ng ating Pangulong Noynoy Aquino ngayong taong ito.
Nais kong ibalita na sa susunod na taon, ang Phase 2 At Phase 3 naman ang sisimulan. Ito ay makakagawa ng siyam na raan at anim na pu (960) hanggang isang libong units.
Katatapos pa lang nating makaranas ng sobrang baha. Kaya naman napapanahon na talaga na ilikas natin ang mga pamilyang nasa mga malapit sa daanan ng tubig sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bahay na mrbs. At ito po ang mga dahilan kung bakit ko ninais na makasama kayo dito ngayon. Nais naming ipaabot at ipadama sa inyo, kasama ng NHA, ang masidhi naming hangarin na matapos na ang proyektong ito sa lalong madaling panahon. Ito po ay para sa kapakanan ng bawat isa sa inyo na mga kwalipikadong benepisyaryo upang makuha ninyo na ang mga titulong inyong pinakamimithi at magkaroon ng kasigurohan ng paninirahan.
Ngunit uulitin namin sa inyo na ang tagumpay ng proyektong ito ay hindi lamang nakasalalay sa akin o sa NHA, o sa project administrator ninyo dito. Ang tagumpay ng proyektong ito ay nakasalalay sa maayos na “pagsasama-sama” ng gobyerno at kayong mga benepisyaryong nakatira dito. Dahil kahit anong galing o bilis ng kilos namin sa gobyerno, kung hindi naman ninyo gagawin ang inyong parte at hindi magbabayad ng obligasyon, hindi natin parehong makakamit ang tagumpay.
Ako, kami, sa parte ng national government, ipinangangako namin na patuloy naming susuportahan ang proyekto hanggang sa huli upang matupad din naman ang aking adbokasiya na totoong sa pabahay, gaganda ang buhay!
Maraming salamat po sa inyong lahat.